Sa entablado ng mga mambabatas
Pitong karnival na ang pinagpiyestahan
Na si Juan ay pinalamon na naman
Ng mga panis at mabahong ilusyon
Ng pekeng kinabukasan
Pitong matunog na batingaw
Ang siyang pumalahaw
May pekeng nunal na nangangako
Ng paraisong si Juan pala ay ipapapako
Matatag na ekonomiya, mataas na gasolina
Matatag na ekonomiya, mag-abroad tayo't iwan ang pamilya
Pitong pagkakataon na ang ibinigay
Kulang pa bang patunay na siya ay sablay?
Hindi na kailangang tanungin ang isa't isa
Hindi naman makapagsisinungaling ang kumakalam nating sikmura
Mapagtatakpan ba ng kaniyang mga mukha
Sa ticket ng mrt, lrt o kahit streamer sa kalsada?
Tama na ang pitong taong pagsisinungaling,
Mamaya sa ikawalong palabas, matatapos ka na lang ba sa pagiling?
Gutom na si Juan de la Cruz. Pagod na si Juan de la Cruz.
Naeempacho na siya at sukang suka na sa mga kasinungalingan
Tawagin natin ang dignidad na meron sa bawat isa
May karapatan tayong magalit at magsalita.
**sulat ng kaibigan kong si Aleida Mercader


